Last Updated on June 23, 2024 by Divine M
Marami sa atin ay hindi pa alam kung ano ang essential oil at kung saan ginagamit ito. Maraming artista ang gumagamit nito, andiyan si KC Conception, Kris Aquino, Angel Locsin, Alex Gonzaga at marami pang iba. Sa katunayan, ang asawa ni Alex Gonzaga ay manufacturer/producer ng essential oils.
Hindi na bago ang paggamit ng essential oils. Sa katunayan ang essential oils ay matagal ng ginagamit sa mundo, at katunayan libo-libong taon na ang nakakaraan nang ito ay ginamit ng mga tao. Sa bibliya, inutusan ng Dios si Moses na mag infuse ng langis with aromatic spices para gamitin ito sa annointing ng mga pari noong panahon nila.
Paggamit ng Essential Oils noong unang panahon
Pagdating sa history ng paggamit ng essential oils, noong unang panahon, ang mga langis ay ginagamit din sa iba’t ibang paraan. Ginagamit ito bilang cosmetic, pang embalsamo ng patay o bilang medisina. Sa china, ang essential oil ay ginagamit sa kanilang gamutan ng mga sakit. At ang unang pag-gamit daw ng Chinese ay naitala nuong 2697-2597 BCE. At hanggang ngayon sila ay gumagamit parin ng essential oil sa kanila TCM o Traditional Chinese Medicine.
Sa Ayurvedic Medicine na 3,000-5,000 taon na ang tanda, kung titignan mo ang natural remedies nila para sa mga lunas sa sakit, kasama dito ang paggamit ng Essential Oils.
Noong Dark ages/Middle ages naman isa rin ang essential oils ang gamit nila sa panggagamot sa mga may sakit. Ngunit ang paggamit ng essential oil at iba pang halamang gamot noon para sa lunas ng mga sakit ay tinuligsa ng simbahang katoliko. Dahil ang mga sakit daw ay sanhi ng spiritual at ng hindi kung ano pa man. Tinuligsa, kinulong, at binitay ang mga manggagamot noon at hinalintulad ang paggamit ng pamamaraang ito sa ”witchcraft” o kulam.
Sa atin sa Pilipinas, ang mga nanay, at lola natin ay nakitaan nating gumamit ng langis ng niyog bilang pangpahid. Kapag tayo ay may ubo, sipon, lagnat, pinapahiran ang ating dibdib, likod, talampakan at iba pang parte ng ating katawan para mabigyan ng lunas ang karamdaman.
Ang langis ng niyog ay hindi Essential Oil kundi ito ay klase ng Carrier oil o vegetable oil o tinatawag ding fixed oil. Pero isa lang ang ibig sabihin, kagaya ng sinabi ni Hippocrates, ” The way to health is to have an aromatic bath and scented massage.” Ito ay ang mga natural na gawain mula sa sinaunang panahon at ipinamana sa mga sumunod na henerasyon. Makaluma pero epektibo. Natural na handog ng ating kalikasan para sa ating kalusugan.
Ano at saan galing ang Essential Oil
Ang Essential Oil ay galing sa mga chemical compounds ng iba’t ibang uri ng pagkain, iba’t ibang uri ng spices & herbs, o ng mga puno at sa hayop. Ito ay maaaring manggaling sa mga ugat, buto, dahon, tangkay, balat, bulaklak, at iba pang parte ng mga halaman o puno. Depende sa parte ng halaman, bago maging Essential oil ito, ito ay gagamitan ng isa sa 3 paraan, Distillation, Expression, Solvent extraction o Carbon Dioxide Extraction.
Maraming gamit ang essential oils lalo na sa paggawa ng mga DIY na produkto. Meron tayong anim ( 6 ) na paraan sa paggamit nito.
6 na paraan sa paggamit ng Essential Oils
Bukod sa ginagamit ang essential oils sa mga produktong maaaring gawin sa bahay, ang essential oils ay ginagamit dahil sa mga benepisyo nito sa kalusugang pisikal, mental o emotional, at ispirituwal.
1 . Aromatherapy
Ang aromatherapy ay isang alternative medicine na gumagamit ng ”amoy” (aroma) gamit ang essential oil para magpagaling ng karamdamang pisikal, pag-iisip at pati spiritual. Maraming mga paraan kung paano i-diffuse ang essential oil para mapakinabangan ang benepisyo ng aromatherapy.
2. Massage/Pagmamasahe
Ang Essential Oil ay ginagamit ding isa sa mga sangkap ng mga langis sa pagmamasahe. Ang pagmamasahe gamit ang essential oil ay maraming benepisyo.
3. DIY Beauty products o cosmetics
Kung mapapansin mo sa mga beauty products o skin care products ngayon ay may mga sangkap na essential oil o carrier oil. Halimbawa, sa facial wash ay may sangkap na tea tree essential oil. Bakit may tea tree essential oil ang facial wash?
Dahil ang isa sa benepisyo ng tea tree essential oil ay may kakayahan itong natural na lunasan ang problema sa balat kagaya ng tigyawat.
Gamitin itong sangkap sa paggawa ng DIY beauty products o DIY cosmetic products.
Halimbawa– pabango, lotion, face cream, serum, ointment, shampoo, conditioner para sa buhok, hair and nail products, mist para sa katawan o mukha, atbp.
4. Household use– ang Essential oil ay maaari ring gamitin bilang; diy cleaner, fabric conditioner, air freshener, linen spray, toilet spray, sanitizer, atbp.
5. Meditation at concentration
Ang Essential Oil ay ginagamit din sa meditation. Ito ay nakakatulong na pagtibayin ang focus habang ikaw ay nagme-meditate.
6. Okultismo
Kagaya ng mga gemstones o mga semi precious stone, crystals, ang essential oils ay may vibrational frequencies o spiritual properties din kaya ito ay ginagamit sa mga gawaing okultismo. Isa itong sangkap o importante sa kanilang ritual. Ginagamit ito sa paggawa ng spell, sa paggawa ng potion at iba pa.
Pag alam mo na ang iba’t ibang uri ng paggamit ng essential oils, maganda ring malaman natin ang iba’t ibang uri nito. At ilan lang ito sa maaari mong makita sa merkado online man o offline.
Ano ang iba’t ibang uri ng Essential Oils
- Ajowan
- All spice
- Angelica root
- Balsam of peru
- Basil- Holy basil, Thai basil
- Bergamot
- Bitter almond
- Black pepper
- Blue cypress
- Calamus
- Cardamom
- Carrot seed
- Cassia
- Catnip
- Cedarwood
- Chamomile
- Cherry blossoms
- Cilantro
- Clary sage
- Cinnamon
- Citronella
- Clove
- Colophony
- Cornmint
- Coriander
- Costus root
- Croton
- Cypress
- Dalandan (Orange)
- Elemi
- Echinacea
- Eucalyptus
- Fir needle
- Frankincense
- Geranium Rose
- Ginger
- Grapefruit
- Horseradish
- Hyssop
- Jasmine
- Juniper
- Lavender
- Lemon
- Lemongrass
- Lime
- Mandarin
- Marjoram
- Melissa
- Mugwort
- Mustard
- Myrrh
- Neroli
- Nutmeg
- Oakmoss
- Orange
- Oregano
- Palmarosa
- Parsley seed
- Peppermint
- Patchouli
- Pine
- Rose
- Rosemary
- Sage
- Sandalwood
- Spearmint (mint)
- Star anise ( chinese star anise )
- Tarragon
- Tea tree
- Thyme
- Turmeric
- Valerian
- Violet
- Wintergreen
- Wormseed
- Ylang ylang
Hindi lahat ng essential oils na nasa taas ay maaaring gamitin. Ang iba dito ay masama sa katawan ng tao. Kaya kinakailangan na alamin ang mga gabay sa paggamit ng essential oils bago gumamit.
At bago gumamit nito, may mga bagay na dapat gawin o alamin bago gamitin ang essential oils.
Mga dapat gawin bago gumamit ng essential oil
Ngayong alam mo na kung ano ang essential oil, iba’t ibang uri at paraan ng paggamit nito, bago gumamit, narito pa ang mga dapat gawin:
- Pag-aralan ang mga benepisyo ng essential oil kung gagamitin ito sa aromatherapy o pagmamasahe.
- Alamin ang mga gabay sa paggamit ng essential oil.
- Dapat alam mong tumingin ng fake vs authentic na essential oil dahil maraming mga fake na essential oil ang nag lipana online man o offline.
- Mag patch test ng essential oil na gusto mong bilhin at gamitin para malaman kung hindi ka allergic dito.