Last Updated on June 23, 2024 by Enci P.
Marami sa ating mga Filipino ang interesado sa paggawa ng sariling pabango o perfume. Dahil karamihan sa atin ay mahilig sa paggamit nito. Merong ginagamit sa araw araw at meron ding ginagamit sa espesyal na okasyon. May mga sikat na pabango o common na pabango na minsan nagiging kaamoy mo na ang ibang tao.
Para sa mga taong gustong maging unique o gustong maging kakaiba, maaaring gumawa ng iyong signature scent. Sa mundo na ating ginagalawan na madali nalang nating mahanap ang mga bagay-bagay dahil sa internet, ang pagiging unique sa ating mga cosmetics ay hindi na imposible. Pwede ka ng gumawa ng ano mang klase ng cosmetics sa bahay. At kung sa paggawa rin lamang ng pabango, isa yan sa DIY na hindi kumplikado dahil sa availability ng mga sangkap na gagamitin.
Kaya imbes na bumili ng mga mumurahing perfume, gumawa ka nalang ng sarili mong pabango sa bahay.
Ang paggawa ng sarili mong pabango o perfume sa bahay ay isa sa mga DIY’s na exciting gawin pero challenging. Exciting kasi naprapractice mo ang creativity mo. Challenging naman dahil minsan ay mahirap gumawa ng combinations ng mga essential oils o fragrance oils para makuha ang ¨scent¨ o blend na gusto mo.
Pero bago tayo mapunta sa paggawa ng perfume gamit ang essential oils, fragrance oils at spices & herbs, pagusapan muna natin ang iba’t ibang uri ng perfume.
Paano gumawa ng 6 na uri ng pabango o perfume?
Kung gusto mong gumawa ng sarili mong pabango sa bahay, pabango o perfume para sa lalake o pabango para sa babae o unisex, alalahanin na meron tayong anim na uri ng perfume o pabango. Ang pagkakaiba nila ay ang lakas ng ¨scent¨ na ginamit dito o ang concentration ng essential oils o fragrance oils o mixture nito.
- PARFUM- ang parfum ay ang pinakadami o lakas ng concentration ng essential oils o fragrance oils. Ito rin ang pinakamahal sa iba’t ibang uri ng perfume. Dahil sa mas concentrated ito, ang amoy nito ay tatagal ng 8-12 na oras. Ang concentration ng gagamiting essential oil o fragrance oil ay nasa 15-30 percent.
- EAU DE PARFUM- ito naman ay nasa 8-15 percent ang concentration at ang amoy ay tumatagal ng 6-8 oras. Mas mura ito sa parfum.
- EAU DE TOILETTE- ang concentration naman ng eau de toilette ay less sa concentration ng eau de parfum. Ito ay nasa 4-8 percent lamang. Ito yung klase ng pabango na ginagamit araw araw kagaya ng eau de cologne.
- EAU DE COLOGNE- ang eau de cologne ay nasa 2-5 percent lamang at ito ay tumatagal ng 2-3 oras.
- EAU DE FRAICHE/MIST/AFTER SHAVE- ito ang klase ng perfume ang may pinaka konting concentration ng essential oils o fragrance oils dahil ito ay nasa 1-3 percent ( up to 5 ) lamang. Ito ay tatagal ng 1-2 hours lamang.
- Perfume Oil- ito naman ang uri ng pabango o perfume na walang alcohol at tubig kundi langis lamang. And concentration naman ng essential oils at fragrance oils ay depende sayo. Pwede kang gumawa ng parfum, toilette, cologne o fraiche.
Pag alam mo na ang iba’t ibang uri ng pabango at ang concentrations nito, tignan naman natin ang mga sangkap o ingredients sa paggawa ng perfume.
Mga Ingredients o Sangkap sa Paggawa ng Perfume
Sa paggawa ng perfume meron mga sangkap na ¨MUST HAVE¨, hindi pwedeng mawala. Kumbaga sa adobo, bawang at toyo ito.
- Fragrance oil o Essential oil– obviously, itong dalawang ito ang magbibigay ng amoy sa perfume na gagawin mo.
- Water o hydrosol- kailangan dito ay demineralized o boiled water. Maaari ring gumamit ng hydrosol bilang substitute o kasama ng tubig sa paggawa ng pabango.
- Alcohol- ang pinakamagandang gamitin ay ang perfumer’s alcohol o cosmetic alcohol o yung deodorized na ethyl alcohol. Kung walang makita, maaari rin namang gumamit ng alak na transparent at hindi masyadong malakas ang amoy. Nung nag umpisa akong gumawa ng sarili kong perfume, vodka ang ginamit ko. Pero kung ako mag sa-suggest, kung walang perfumer’s o cosmetic alcohol, langis na lang ang gamitin.
- Langis- ang langis naman ay kakailanganin mo kung gusto mo na gumawa ng oil based na perfume. At kung pipili ka ng langis na gagamitin, pumili ng langis na madaling dumikit sa balat, non-greasy kagaya ng jojoba oil, fractionated coconut oil, sunflower oil, etc.
Iba pang sangkap sa paggawa ng sarili mong pabango
a. Spices & herbs– maaari ring gumamit ng mga spices & herbs na aromatic.
b. Fixative, Solubilizer at iba pang kemikal– ang Dipropylene glycol / Propylene glycol / Coco caprylate/ Polysorbate 20/ Dimethicone at iba pa ay mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng perfume as solubilizer at para tumagal ang amoy sa balat.
c. Preservatives- para tumagal ang shelf life ng produktong ginawa. Pumili ng water soluble na preservative kung gagamitin ito sa tubig. Hindi ako gumagamit ng preservatives sa mga ginagawa kong perfume dahil kahit papaano preserved naman ito dahil sa meron itong alcohol. At pag nagdilute ako, pa konti konti lamang.
Ang ESSENTIAL OIL at FRAGRANCE OIL sa paggawa ng PERFUME
Sa paggawa ng pabango sa bahay, kailangan mo ng essential oils o fragrance oils. Iko-combine mo ngayon ito para makagawa ka ng ¨scent¨. Sa paggawa ng perfume, maaaring pure na essential oil o pure na fragrance oil o pwedeng combination ng mga ito. Depende sa gusto mong gamitin.
Ang mga scent na gagamitin ( essential oil o fragrance oil) ay may kanya kanyang NOTES. Meron tayong tinatawag na TOP NOTE, MIDDLE NOTE, at BASE NOTE.
Halimbawa
TOP NOTES
Ang top note ay ang amoy na una mong maaamoy sa isang pabango. Ito ay tatagal ng ilang minuto.
Ang mga halimbawa ng mga essential oils na nasa top note ay ang mga;
- Carnation
- Cinnamon
- Clary sage
- Hyssop ( also middle note)
- Lemon
- Nutmeg
- Orange
- Peppermint
- Tea tree
- Ylang-ylang ( also middle note)
MIDDLE NOTES
Ang middle note naman ay tinatawag ring ¨heart note¨ ay tatagal ng mga ilang oras. Pag nawala na ang amoy ng top note, ito naman ang susunod na maaamoy ng ating ilong.
Ang mga halimbawa ng heart notes or middle notes ay ang mga;
- Angelica
- Cardamom
- Geranium
- Lavender
- Palmarosa
- Patchouli ( also base note )
- Pine
- Rosemary
- Violet
BASE NOTES
Ang base note naman ay ang pundasyon ng iyong nagawang perfume. Pag nawala na ang amoy ng heart note, ito na ang mangingibabaw.
Halimbawa ng mga base notes ay ang mga;
- Benzoin
- Cedarwood
- Clove
- Ginger
- Musk
- Vanilla
Pag pinagsama sama ang NOTES, makakagawa ka ng tinatawag ng perfumery na – ACCORD
Paano mag-blend ng NOTES para makagawa ng ACCORD
Ito ang simple steps sa pag blend ng notes para makagawa ng accord.
Ang pag ble-blend ng mga langis ay simple lang, pumili ka ng 3 klase ng notes na nais mong gamitin sa paggawa ng sariling perfume. Bilangin ang bawat patak at ilista. Kung nakuha mo na ang gusto mong amoy, yun na ang bilang ng, kumbaga, eh, recipe ng iyong pabango.
Kung susundin ang libro sa paggawa ng pabango, uunahin ipatak ang base notes, sunod ang heart note, at pang huli ang top note.
Kung kulang ang na blend mong langis para sa concentration ng kung ano mang uri ng pabango ang nais mong gawin, i doble mo na lang ang bilang.
Pero hindi pa yan ang talagang amoy ng nablend mong NOTES. Pero at least meron ka ng idea kung anong magiging amoy nito.
Huwag ding kalimutang, ilista ang bawat patak ng essential oil o fragrance oil na ginamit.
Marami rami na rin akong nabasang libro sa paggawa ng perfume. Actually, kung sa basic rule rin lang ng blending, iba iba ang mga prinsipyo nila. Merong author na ang formula ay, 40%, 40%, 20% (T-M-B), Meron naman 30%, 40%, 40% (T-M-B). Meron ding 30%, 50%, 20% (T-M-B).
Noong nag uumpisa akong gumawa ng sarili kong pabango, sinusundan ko ang iba’t ibang patakaran ng perfumers. Pero along the way, maiisipan mong mag try ng sarili mong diskarte.
Paano gumawa ng perfume o pabango sa bahay
Ang paggawa ng sarili mong pabango o perfume ay madali lamang. Combination lang ito ng essential oils at fragrance oils. Ang iba pang sangkap sa paggawa ay ang hydrosols at maaari ring gamitin ang iba’t ibang uri ng spices & herbs.
At para sa mga beginners, ito ang 3 recipes sa paggawa ng sariling basic parfum sa bahay.
3 BASIC PARFUM RECIPE
Meron akong 3 recipe ng perfume na gawa sa bahay.
Mga Sangkap at Sukat ng 10 grams Parfum sa bahay: 30% concentration
Essential oil o Fragrance oil- 3 grams
Alcohol- 5 grams
Water- 2 grams
Her parfum
lemon essential oil 0.9 gram, rose essential oil 1.5gram, vanilla 0.6gram
Hirap ako mag explain ng amoy. Sana pwede ng explanation ang katagang ¨basta, mabango siya¨, pero hindi pwede. Pero try ko.
Ang amoy nito ay powdery dahil ito sa vanilla. Feminine ang scent niya. Sosyalin ang amoy. Sa 3 sangkap meron ka ng bonggang parfum.
Garden of love parfum
violet fragrance oil 2 grams, benzoe siam resinoid 1 gram
Dito naman ay gumamit lang ako ng middle note at base note dahil gusto kong malaman kung anong kakalabasan kung nag skipped ako ng 1 note. Fortunately, napakabango naman ng amoy na kinalabasan nito. Floral yung amoy na may powder smell. Ang powdery scent na meron dito ay dahil sa benzoe siam resinoid.
Bubblegum parfum
tobacco leaf essential oil 0.9gram, peppermint essential oil 1.5gram, cedarwood essential 0.6gram
Ito naman ay parang bubblegum ang amoy, pero mas appropriate itong amoy para sa pabango ng lalake. Refreshing ang amoy, magandang gamiting pang araw araw.
Paraan ng paggawa ng sariling pabango o perfume sa bahay
Sukatin ang mga essential oils sa isang bote o beaker. Haluing mabuti. Ilipat ang mixture sa isang bote at takpan. Gumamit ng de color na bote para hindi masinagan ng ilaw o araw ang ginagawang pabango. Itabi ito sa madilim na lugar.
Alugin ito araw araw sa loob ng hindi bababa ng 2 linggo para mag mature ang pabango. Pag nag mature na ito, lagyan na ito ng alcohol at haluin. Isunod na ilagay ang tubig ( o gumawa ng oil based perfume) . Pag tapos na, ilipat ito sa perfume bottle. Gawa na ang pabango na sarili mong gawa.
Formula sa Paggawa ng sariling pabango o perfume
Paano mag calculate?
Kagaya ng nabanggit ko, iba’t ibang uri ng perfume, iba iba rin ang percentage ng concentration nila. Gawin nating example ang ginawa kong parfum na may 30 % concentration.
Pag magka calculate ng formula, laging magumpisa sa percentage (100%) muna.
Example:
Meron akong 3 klase ng sangkap; essential oils, alcohol, water. Sa mga sangkap na yan ay idi-distribute ko ang 100 percent. Since 30 percent ang concentration ko sa essential oil (Fragrance oil), meron pa akong natirang 70 percent. Gagawin kong 50 % sa alcohol at 20 % sa water naman. Total na sila ng 100 percent.
GAWA TAYO NG 10 GRAMS PRODUKTO
Mula diyan, convert naman natin sila sa sukat na gagamitin ko. Huwag magpakamartir sa pagkuha ng percentage, gamitin ang calculator ng smart phone at pindutin;
- 30-%-10= 3 (press 30 then % then 10 and = )
- 50-%-10= 5
- 20-%-10= 2
Dahil sa more than 1 ang sangkap natin sa oil o fragrance na gagamitin, siempre kailangan mo pa ring i calculate yan.
Mag decide ka kung anong concentration ang gagawin mo sa BASE, MIDDLE, HEART.
Halimbawa: Base note is 20%, Middle note is 50% at Top note is 30 %.
Kunin mo ulit ang smart phone- 20- %- 3 =
Pero kung meron 2-3 fragrance sa isang note, i allocate mo nalang yung amount ng sukat sa 3. Again, depende yan sa pang amoy mo.
Paano gumawa ng sarili mong oil based perfume
Pagdating naman sa oil-based perfume, imbes na tubig at alcohol ang gagamiting pang dilute, ang gagamitin mo dito ay langis.
MGA SANGKAP
jojoba oil 7g, vanilla 0.9g, rose de mai 1.5g, lemon 0.6g
Ilagay sa brown bottle ang mixture ng vanilla, rose de mai at lemon. Takpan at alugin araw araw at antaying mag mature. Pagkatapos ng maturation period, ilagay na ang 7g na jojoba oil.
Meron ka ng OIL-BASED PERFUME.
Mga karaniwang mababasa mo online tungkol sa paggawa ng DIY pabango
- Unahin muna ang base note- pwede mo naman gawing yan. Pero para sa akin, hindi ako naniniwala na importante yan sa proseso ng paggawa ng pabango at hindi yan makakatulong sa structure ng amoy na gusto mong gawin.
- MUST FOLLOW ang concentration- para sa akin, hindi kailangan i follow ang concentration ng notes kagaya ng percentage na 50,30,20, etc. Gamitin mo ang pang amoy mo at kung ano ang mas gusto mong i-emphasize- dun ka.
Bakit importante ang Maturation process sa paggawa ng PERFUME
Importante na gawing mature ang ginagawang perfume. At least 2 weeks ang pagburo ko dito, minsan 4 weeks pa. Sa prosesong ito mas tatagal ang amoy ng perfume at talagang magble blend ang mga ginamit na sangkap. At siempre kasama rin ang pag alog nito araw araw.
Kung during the maturation process ng ginagawang perfume ay parang ayaw mo yung amoy, maaari mo itong imodify. Maaaring dagdagan ng essential oil o fragrance oil na gusto mo. Patak patak lang muna at huwag ring kalimutang ilista ito. Para kung gusto mo at bumagay sayo ang amoy, magagawa mo ulit ang formula ng ginawa mong perfume sa bahay. At kung nag uumpisa sa paggawa ng sariling pabango, pa konti konti lang muna.